Casey Anne Cruz's profile

118th Celebration of May One Movement PH

TAMA NA, SOBRA NA! WAKASAN NA ANG PANANATILI SA PODER NG PABAYA, KORAP, PAHIRAP, ANTI-MANGGAGAWA AT MAMAMATAY TAONG REHIMENG US-DUTERTE!

Sa pagdiriwang ng ika-118 taon ng Araw ng Paggawa sa Pilipinas, patuloy na naghihirap at kalunos-lunos pa rin ang kalagayan ng mga manggagawa at sambayanang Pilipino!

Lumala pa nga ang dati nang masahol na kalagayan ng mga manggagawa sa kasalukuyang rehimeng US-Duterte. Malawakang nilalabag nito ang mga karapatang pantao at pang-manggagawa sa loob ng 5 taong pananatili nya sa poder dulot ng pagpapatupad ng mga anti-manggagawang patakarang neoliberal na nagdudulot ng aliping sahuran, siil na paggawa at matinding panunupil sa mga batayang karapatan.

Sa Timog Katagalugan, nakapako sa pinakamataas na P400.00 ang minimum na pasahod, 5 taon na ding walang naibibigay na dagdag sahod ang rehimeng US-Duterte. Sa katunayan, pinaliit pa lalo ni Duterte ang mumong sinasahod ng mayorya ng mga manggagawa. Laluna sa panahon ng pandemya, pinatupad ng DOLE ang Labor Advisory #17, na nagbigay ng otoridad sa mga kapitalista na magbawas ng sahod, benepisyo, CBA economic provisions at magsagawa ng malawakang tanggalan sa mga manggagawang kontraktwal man o regular.
Habang patuloy sa pagtaas ang presyo ng mga batayang pangangailangan at bayaring yutilidad, kaya naman lalo nang hindi makaagapay ang maliit na sahod ng mga manggagawa. Hindi na halos makatikim ng karneng baboy ang mga manggagawa dahil umabot na sa P400.00/kilo ang presyo nito. Sa kabilang banda, kitang-kita ang kapalpakan at kriminal na kapabayaan ni Duterte sa kawalan ng kongkretong plano at mga hakbangin para sugpuin ang pananalasa ng pandemyang COVID-19. Umabot na sa mahigit 1 milyon ang nahahawa at 16,000 ang namamatay sanhi ng bayrus at nanatiling pangako lamang ang malawakang pagbibigay ng bakuna kahit pa nga nakautang na ang gobyerno ng bilyon-bilyong piso para dito.

Maraming manggagawa ang nahahawa ng COVID-19 dahil sa kawalan ng mga kinakailangang hakbangin sa sanitasyon ng lugar-paggawa at kabuuang pagpapabaya ng gobyerno. Dahil kakarampot ang ayudang natatanggap sa kapitalista at sa estado, mabigat ang pasanin nating gastusin para gumaling sa COVID-19 at lalong nagtulak sa atin sa kumunoy ng kahirapan.

Labing apat na buwan na lamang ang natitira sa termino ni Duterte. Ngunit imbes na tugunan ng rehimeng US-Duterte ang kahirapang kinakaharap ng mga manggagawa at sambayanang Pilipino, pinalala pa nya ito dahil sa pagpapatupad ng militaristang lockdown at terorismo ng estado na lubusang nagpahirap at naglubog sa mga manggagawa at pamilya nito sa walang kaparis na kahirapan.
Samantala, nagbibingi-bingihan at bulag-bulagan si Duterte sa makatwirang kahilingan ng mamamayan. Labis syang nakikinig sa imperyalistang US at Tsina! Sa parehong mga bansa, humihingi si Duterte ng mga pabor, armas at pautang kapalit ng ating soberanya. Walang-imik si Duterte sa pananakot sa ating mga mangingisda at sa pagnanakaw ng Tsina ng teritoryo sa West Philippine Sea, habang lalo tayong naghihirap!

At para maipatupad ng mga kapitalista at estado ang kanilang mga neoliberal na patakaran, mas pinatindi nito ang panunupil sa kilusang paggawa. Makatapos ang araw-araw na red tagging sa mga lider-manggagawa, organisador ng kilusang paggawa at mga unyon ay malawakang pang-aaresto at pamamaslang ang isinagawa ng mga kasundaluhan at kapulisan sa kilusang paggawa.
Sa balangkas ng NTF-ELCAC, isinagawa ang COPLAN ASVAL, isang sinkronisadong operasyon ng pulis at militar upang supilin ang mga aktibista at progresibo sa Timog Katagalugan. Ginamit ang mga minanupakturang search warrant upang pasukin ang mga kabahayan at opisina at arestuhin ang mga aktibistang target ng panunupil. Sinimulan ito noong Marso 4 nang arestuhin sina Arnedo Lagunias ng AMEN at Ramir Corcolon ng Courage. Noong Marso 7, 9 aktibista ang pinatay habang 6 ang inaresto; na siyang tinaguriang “Bloody Sunday” massacre. Noong Marso 28, walang awa at patraydor na pinaslang ang ikalawang tagapangulo ng PAMANTIK-KMU na si Dandy Miguel.

Gamit pa rin ang bogus na search warrant, pinasok ang dating opisina ng AMEN sa Sta. Rosa at tinaniman ng mga baril, bala at pampasabog bilang bahagi ng kanilang panunupil sa kilusang paggawa. Inilalarga din ng sabwatang AFP-PNP-Kapitalista-DOLE ang sistematikong pagsusulong ng kampanyang dis-affiliation sa mga unyong nasa ilalim ng KMU. Ginagawa nila ito, dahil batid nila na ang tunay na nakikibaka para sa kagalingan at interes ng uring manggagawa ay ang mga unyong nasa ilalim ng pederasyong OLALIA, PAMANTIK-KMU at mga kasaping unyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Ngunit hindi tayo dapat masindak sa takot gaya ng nais gawin ni Duterte, ng kanyang mga alipores, at ng mga kapitalista. Kinakailangan nating lumaban at ipagtanggol ang ating mga batayang karapatan at interes! Ubos kayang makibaka para sa Sahod, Trabaho at Karapatan! Ubos kayang ipagtanggol ang kabuhayan sa gitna ng tumitinding pagpapatupad ng malawakang tanggalan, mababang pasahod, paglabag sa karapatan at panunupil ng estado. Malakas nating sagkaan ang mga pakana ng sabwatang AFP/PNP-kapitalista-DOLE na naglulunsad ng malawakang pang-aabuso sa karapatan, na siyang lubusang nagpapahirap sa ating mga pamilya.

Tapos na ang pananahimik, panahon nang ipagtanggol natin ang ating mga karapatan sa pamamagitan ng malakas na pagsusulong upang ibasura ang kontraktwalisasyon, kamtin ang nakabubuhay na sahod, mahusay na benepisyo at igiit ang pagkilala sa batayang karapatan ng mga manggagawa!

Makibaka para sa kalusugan, kabuhayan, karapatan at kasarinlan!
Patalsikin ang rehimeng US-Duterte!
118th Celebration of May One Movement PH
Published:

Owner

118th Celebration of May One Movement PH

Published: