Unti-unting bumuhos ang ulan sa tuyot na lupa. Naghiyawan ang lahat. Minsan lang madampian ng mga butil ng tubig ang taniman ni Tatay. Inubos nila ang laman ng mga baldeng nakaimbak sa likod ng bahay at isa-isa nilang pinuno ng tubig-ulan.
Nakasilip ang mga musmos sa bintana, tila ito na ang tanda ng pagbabago na pilit ginagawang hele sa tuwing oras na para matulog. Matagal din silang pinagbawalan. Matagal din silang tinago. Matagal na tumahimik ang bayan, na halos hampas lang ng alon ang ginawa nilang hudyat ng bagong umaga.

Ilang taon na ang nakalipas mula noong ginising sila ng balitang nabawasan ng isang ngiti ang kanilang lugar. Humahagikgik pa nga ito kagabi, nakikipagtawanan pa nga. Bakit biglang nawalang parang bula ang kanyang liwanag, sabi ng mga kapitbahay. Damit niya pa rin ang paboritong punda ng kanyang nanay. Ilang taon na ang nakalipas pero hindi nila ito kinalimutan. Wala silang kayang kalimutan. Tinago nila ang kaha ng yosi na kanyang hagkan noong gabing iyon – ito raw ang huling dinampian ng kanyang maalagang mga kamay, kwento ng mga usisero sa kabilang bayan.

Nagtanong ang ilan, parang hindi na yata nagtatampo si Alunsina. Hindi na yata siya nagtatampo. Hindi na yata oras ng pagod, ng ubos, at ng huli na ito.  Hindi na nayayamot si Alunsina, hiyaw ng isa. Nanonood nang mataimtim si Magwayen – sige, Alunsina, iyo na muna ang panahong ito. Ganito ka naman magmahal – walang pagod at walang humpay. Hindi mapigilan sa pagindak si Santonilyo, parang gustong sumabay sa tugtog na dala ng pagdampi ng tubig sa lupa. Matagal siyang nagtimpi. Matagal siyang naghintay. Malaya na ang luha ng ulap, ika niya.

Unti-unting inubos ng ulan ang naiwang patak ng dugo sa buhangin. Inalis na nito ang mga paalalang dating nakagapos ang mga nanirahan dito. Humina na ang dating paulit-ulit na sigawan na binabalik ka sa umagang natagpuan na siyang tahimik sa tabing-dagat. Nilibing nito ang pait na dala ng araw ng kanyang pagkawala. Hindi na kasing bigat ng lungkot ang hangin na dala ng ulan ngayong araw. Hitik ito sa mga ngiti niya, hitik ng paalala na malaya na siya ngayon. 

Tahimik ang bayan. Nilulubos ang oras na naging mukha ng pag-asa ang kakaunting patak ng ulan. Nagtampisaw ang iilang matatapang sa ilalim ng bagong kanta. Sumasayaw habang tumatanggap ng munting halik ng hangin.
May sumisilip na bahaghari sa magkayakap na ulap.

Ganito pala ang makalabas at bumabad sa ilalim ng ulan.
Ganito pala ang paliguan ng pag-asa.
Ganito pala ang pakiramdam ng kalayaan.
Ganito pala ang pakiramdam ng mapatawad.
Ganito pala ang pakiramdam ng binigyang-pansin.
Ganito pala ang bigyan ng lubos.

Mahimbing na tulog ang naghihintay sa aming mga musmos, sabi ni Tatay. Pagdampi ng kanyang mahinahong halik ay sinambit ang katagang dala namin sa panaginip.. “May mga luhang pwedeng saya ang dahilan.”

Ganito pala ang simoy ng hangin kapag malaya ka na.
Ganito pala ang hindi singilin sa paghinga.

Ganito pala ang pakiramdam ng pagtanggap.
Mariposang Anghel
Published:

Mariposang Anghel

Published: